Pumunta sa nilalaman

Pandaigdigang Organisasyon sa Ari-ariang Intelektuwal

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa WIPO)
Pandaigdigang Organisasyon sa Ari-ariang Intelektuwal
DaglatWIPO
Pagkakabuo14 Hulyo 1967; 57 taon na'ng nakalipas (1967-07-14)
UriNatatanging katatagan ng mga Nagkakaisang Bansa
Katayuang legalAktibo
Punong tanggapanGeneva, Suwisa
Kasapihip
193 mga bansang kasapi
Puno
Daren Tang
Direktor Heneral
Parent organization
Sangguniang Pang-ekonomiko at Panlipunan ng mga Nagkakaisa Bansa
Websitewipo.int

Ang Pandaigdigang Organisasyon sa Ari-ariang Intelektuwal (Ingles: World Intellectual Property Organization o WIPO, Pranses: Organisation mondiale de la propriété intellectuelle o OMPI) ay isa sa 15 mga ahensiyang natatangi ng mga Nagkakaisang Bansa (UN).[1][2][notes 1] Alinsunod sa Kumbensiyong Nagtatatag ng Pandaigdigang Organisasyon sa Ari-ariang Intelektuwal noong 1967, itinatag ang WIPO upang itaguyod at isanggalang ang yamang isip o ari-ariang intelektuwal (IP) sa buong mundo sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga bansa pati sa pandaigdigang mga organisasyon.[5] Nagsimula ito noong ika-26 ng Abril 1970 nang nagkabisa ang kumbensiyon.

Kasama sa mga gawain ng WIPO ang pagiging punong-abala ng mga pulong upang talakayin at hubugin ang pandaigdigang mga panuntunan at patakaran sa yamang isip, pagbibigay ng pandaigdigang mga serbisyo hinggil sa pagpaparehistro at pagpapasanggalang ng yamang isip sa iba't ibang mga bansa, paglutas ng mga alitan sa yamang isip sa pagitan ng mga bansa, pagtulong sa pag-ugnay ng mga sistema sa yamang isip sa pamamagitan ng magkakatulad na mga pamantayan at impraestruktura, at pagiging pampangkalahatang sanggunian na database para sa lahat ng mga usapin sa yamang isip. Kabilang dito ang pagbibigay ng mga ulat at estadistika sa kalagayan ng pananggalang o pagbabago sa yamang isip sa buong mundo at sa partikular na mga bansa.[6] Nakikipagtulungan din ang WIPO sa mga pamahalaan, mga organisasyong di-pampamahalaan (NGO), at mga indibidwal upang gamitin ang yamang isip para sa pangkabuhayan at panlipunang pag-unlad.

Nangangasiwa ang WIPO sa 26 na pandaigdigang mga kasunduan na may kinalaman sa iba't ibang mga usapin sa yamang isip, mula sa proteksiyon ng mga gawang awdiyo-biswal hanggang sa pagtatatag ng pandaigdigang pag-uuri ng patente.[7] Pinamamahalaan ito ng Pangkalahatang Kapulungan at ng Komite sa Koordinasyon, na magkatuwang na nagtatakda ng patakaran at nagsisilbing pangunahing mga lupon sa paggawa ng desisyon. Inihahalal din ng Pangkalahatang Kapulungan ang Direktor Heneral ng WIPO, na siyang punong tagapangasiwa ng organisasyon. Si Daren Tang, dating punong tagapangasiwa ng Tanggapan ng Ari-ariang Intelektuwal ng Singapore, ang kasalukuyang Direktor Heneral ng WIPO, na nanunungkulan noong ika-1 ng Oktubre 2020.[8] Pinangangasiwaan ang WIPO ng isang Kalihiman na tumutulong sa pagsasagawa ng pang-araw-araw na mga gawain nito.

Matatagpuan sa Geneva, Suwisa ang himpilan ng WIPO. Mayroon din silang mga "tanggapang panlabas" sa iba't ibang panig ng mundo, kabilang ang mga tanggapan sa Algiers (Alherya), Rio de Janeiro (Brasil); Beijing (Tsina), Tokyo (Hapon), Abuja (Niherya), Moscow (Rusya), at Singapore.[9] Hindi tulad ng karamihan sa mga organisasyon ng UN, hindi umaasa nang husto ang WIPO sa sinuri o kusang mga ambag mula sa kasaping mga bansa; 95 bahagdan ng badyet nito ay nagmumula sa mga bayaring mula sa pandaigdigang mga serbisyo nito.[10]

Kasalukuyang may 193 mga kasaping bansa ang WIPO,[11] kabilang ang 190 mga kasapi ng UN at ang Kapuluang Cook, Banal na Luklukan at Niue; may permanenteng katayuan na tagamasid ang Palestina.[12] Sa mga bansang kinikilala ng UN, tanging Estados Pederados ng Mikronesya, Palau, at Timog Sudan ang mga bansang hindi pa kasapi ng organisasyon.[kailangan ng sanggunian]

Mga Direktor Heneral

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Daren Tang, kasalukuyang Direktor Heneral ng WIPO mula noong 2020
Mga Direktor Heneral ng WIPO[13]
Blg. Termino Pangalan Mula sa
1 1970–1973 Georg Bodenhausen  Netherlands
2 1973–1997 Árpád Bogsch  Estados Unidos
3 1997–2008 Kamil Eltayeb Idris  Sudan
4 2008–2020 Francis Gurry  Australia
5 2020–2026 Daren Tang  Singapore
6 2026– Nakabinbing resulta ng Pagpupulong sa 2025[14]

Noong ika-1 ng Oktubre 2020, si Daren Tang ng Singapore ang pumalit kay Gurry bilang Direktor Heneral.[15] Sinang-ayunan ng Estados Unidos at 54 na ibang mga kasapi ang kaniyang kandidatura, taliwas sa kandidatong si Wang Binying na kinatigan ng Tsina,[16] na nakatanggap naman ng 28 boto mula sa 83 mga kasaping estado na bumoto.[17]

Isang pandaigdigang mapa na nagpapakita ng katayuan ng pagiging kasapi sa Pandaigdigang Organisasyon sa Ari-ariang Intelektuwal; nakakahel ang mga kasapi habang naka-abo ang mga hindi kasapi.
  
Mga kasapi ng WIPO 
  
Mga hindi kasapi ng WIPO 
  1. Sa ilang mga sanggunian,[3][4] tinutukoy ng UN na mayroon silang 17 mga katatagang natatangi, kung kasama sa bilang ang Pandaigdigang Bangko para sa Muling Pagsasaayos at Pagpapaunlad (IBRD), ang Pandaigdigang Korporasyong Pananalapi (IFC), at ang Pandaigdigang Samahan sa Pagpapaunlad (IDA) bilang mga indibidwal na katatagang natatangi; pawang mga bahagi ng Pangkat ng Bangkong Pandaigdig (WBG) ang tatlo.

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. "Repertory of Practice of United Nations Organs Supplement No. 10 (2000–2009) – Article 17(3)" (PDF). Nagkakaisang Bansa. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong Oktubre 19, 2013. Nakuha noong Setyembre 18, 2013. The number of specialized agencies thus rose to fifteen.
  2. "What are UN specialized agencies, and how many are there?". Dag Hammarskjöld Library. Inarkibo mula sa orihinal noong Marso 11, 2018. Nakuha noong Marso 11, 2018. There are currently 15 specialized agencies: ...
  3. "UN Specialized Agencies". Dag Hammarskjöld Library. Inarkibo mula sa orihinal noong 11 March 2018. Nakuha noong Marso 11, 2018. There are 17 Specialized Agencies: ...
  4. "World Bank Group". Dag Hammarskjöld Library / UN System Documentation. Inarkibo mula sa orihinal noong Marso 12, 2018. Nakuha noong Marso 11, 2018. ... IBRD, IFC and IDA are Specialized Agencies of the UN ...
  5. "Convention Establishing the World Intellectual Property Organization signed at Stockholm on 14 July 1967, Preamble, second paragraph". Wipo.int. Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 11, 2012. Nakuha noong Oktubre 19, 2008.
  6. "Inside WIPO". wipo.int. Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 26, 2020. Nakuha noong Abril 26, 2020.
  7. WIPO. "Treaties administered by WIPO – Consulted 26 June 2013". Wipo.int. Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 27, 2016. Nakuha noong Oktubre 18, 2013.
  8. "Daren Tang Assumes Functions as WIPO Director General". Wipo.int. Inarkibo mula sa orihinal noong Oktubre 8, 2020. Nakuha noong Abril 28, 2021.
  9. "WIPO External Offices". Nakuha noong Abril 29, 2021.
  10. "Results, Budget and Performance". Nakuha noong Abril 29, 2021.
  11. WIPO. "List of members states of WIPO". Wipo.int. Inarkibo mula sa orihinal noong 15 June 2008. Nakuha noong 4 March 2020.
  12. WIPO (Nobyembre 25, 2011). "Palestine WIPO status". Wipo.int. Inarkibo mula sa orihinal noong Hunyo 11, 2012. Nakuha noong Oktubre 18, 2013.
  13. Birkbeck, Carolyn Deere (Marso 25, 2016). The World Intellectual Property Organization (WIPO): A Reference Guide. Edward Elgar Publishing. p. 39. ISBN 9781785364785. Inarkibo mula sa orihinal noong Hulyo 20, 2019. Nakuha noong Abril 24, 2018.
  14. "Assemblies of the Member States of WIPO: Sixty-Sixth Series of Meetings". www.wipo.int. Nakuha noong Pebrero 23, 2025.
  15. "WIPO Director General Congratulates Singapore's Daren Tang on Nomination for Post of Director General". WIPO. Marso 5, 2020. Inarkibo mula sa orihinal noong Marso 28, 2020. Nakuha noong Marso 28, 2020.
  16. Magnier, Mark (Marso 5, 2020). "Singapore official beats China in votes for UN intellectual property unit". South China Morning Post. Inarkibo mula sa orihinal noong Mayo 9, 2020. Nakuha noong Mayo 9, 2020.
  17. "WIPO's Coordination Committee Nominates Singapore's Daren Tang for Post of Director General". Nakuha noong Abril 29, 2021.