Mochi


Ang mochi (もち, 餅) ay isang kakaning Hapones na gawa sa mochigome (もち米) , isang maikling-butil na malagkit na bigas na uri ng japonica, at kung minsan ay may iba pang sangkap gaya ng tubig, asukal, at gawgaw. Ang sinaing na bigas ay pinupukpok hanggang maging masa, at saka hinuhubog ayon sa nais na anyo. Sa Hapon, tradisyonal itong ginawa sa isang seremonyang tinatawag na mochitsuki (餅搗き).[1] Bagaman kinakain ito sa buong taon, ang mochi ay isang tradisyonal na pagkain tuwing Bagong Taon ng mga Hapones, at karaniwang ibinebenta at kinakain sa panahong iyon.
Ang mochi ay binubuo ng mga polisakarido, lipido, protina, at tubig. Taglay nito ang sari-saring estraktura ng dyel na amilopektina, mga butil ng almirol, at mga bula ng hangin.[2] Sa mga tuntunin ng nilalamang almirol, ang bigas na ginagamit sa mochi ay napakababa sa amilosa at may mataas na antas ng amilopektina, kaya't nagkakaroon ito ng mala-dyel na konsistensiya.[3] Mas mataas ang nilalamang protina ng bigas na japonica na ginagamit sa paggawa ng mochi kumpara sa karaniwang maikling-butil na bigas.
Kahawig ng mochi ang dango, na gawa naman sa galapong sa halip ng pinukpok na bigas.[4]
Kasaysayan
[baguhin | baguhin ang wikitext]Pulang bigas ang orihinal na baryante na ginamit sa produksiyon ng mochi.[5] Kakaiba ang kahalagahang pangkultura ng mochi sa Hapon, bagamat may mga katangiang kahalintulad ito sa iba pang maswerteng pagkain sa iba't ibang bansa sa Asya.[6] Ayon sa mga arkeolohikal na pananaliksik, lumaganap ang gawang-bahay na produksiyon ng mochi simula noong ika-6 na siglo (panahong Kofun), nang naging tanyag ang mga pasingawang gawa sa luwad sa mga kabahayan, lalo na sa silangang bahagi ng Hapon.[7]:267
Sa Bungo no kuni fudoki, na isinulat sa huling bahagi ng ika-8 siglo noong panahong Nara, inilalarawan ang isang alamat tungkol sa mochi. Ayon sa aklat, isang mayamang lalaki ang gumawa ng patag na mochi mula sa natirang bigas at pinana ito. Nag-anyong puting ibon ang mochi at lumipad palayo. Matapos nito, naging tiwangwang at tigang ang kanyang palayan. Ipinakikita ng alamat na ito na ang bilog at puting mochi ay itinuturing noon bilang may espirituwal na kapangyarihan.[8]
Noong panahong Heian (794–1185), kadalasang ginagamit ang mochi sa mga seremonyang Shinto upang ipagdiwang ang kapanganakan at kasal. Ayon sa Ōkagami na isinulat noong ika-12 siglo, inilalagay ng mga emperador at maharlika ang mochi sa bibig ng mga sanggol na may gulang na 50 araw.[9]:30 Sa panahong ito, naging kaugalian sa lipunang maharlika para sa mag-asawang bagong kasal na kumain ng mochi nang magkasama sa bahay ng nobya tatlong araw pagkatapos ng kasal.[10]
Ang mga unang naitalang ulat tungkol sa paggamit ng mochi bilang bahagi ng pagdiriwang ng Bagong Taon ay mula pa sa panahong Heian. Naniniwala ang mga maharlika sa korteng imperyal na ang mahahabang hibla ng bagong-gawang mochi ay sumisimbolo ng mahabang buhay at mabuting kalusugan, habang ang pinatuyong mochi ay nakatutulong sa pagpapalakas ng mga ngipin. Matatagpuan din ang ganitong mga salaysay sa Ang Kuwento ni Genji.[11]
Nag-ugat ang kaugalian ng kagami mochi (salaming mochi) sa uri ng mga samurai noong panahong Muromachi. Ang kagami mochi ay binubuo ng dalawang globo ng mochi na nakapatong sa isa’t isa, at nilalagyan ng mapait na kahel (daidai) sa ibabaw. Sa pagsalubong sa Bagong Taon, pinalamutian ng mga samurai ang kagami mochi ng baluting at espadang Hapones at inilalagay ito sa tokonoma (alkobang bahagi ng tradisyonal na silid Hapones kung saan naka-display ang sining o mga bulaklak) upang ipanalangin ang kaunlaran ng kanilang pamilya sa bagong taon. Kapag kinakain ng mga tao ang kagami mochi pagkatapos ng panahon ng Bagong Taon, iniiwasan nilang hiwain ito gamit ang hōchō (kutsilyo) upang hindi ito makasagasa sa kami, at sa halip ay dinudurug ito gamit ang kahoy na martilyo matapos itong natural na matuyo at mabitak.[12]
Ang Mochi ay patuloy na isa sa mga tradisyonal na pagkaing kinakain tuwing Bagong Taon sa Hapon, at karaniwang ibinebenta at kinakain nang sagana sa panahong ito. Ang kagami mochi ay inilalagay sa mga altar ng pamilya (kamidana) tuwing Disyembre 28 bawat taon.[13]
Mga pana-panahong espesyalidad
[baguhin | baguhin ang wikitext]Bagong Taon
[baguhin | baguhin ang wikitext]- Ang kagami mochi ay isang dekorasyong pampagdiwang tuwing Bagong Taon, na tradisyonal na binabasag at kinakain sa isang ritwal na tinatawag na kagami biraki (pagbubukas ng salamin) at karaniwang inilalagay sa mga altar ng pamilya tuwing Disyembre 28.
- Ang zōni ay isang sabaw na may lamang kakaning mochi. Kinakain din ito tuwing Araw ng Bagong Taon. Bukod sa mochi, naglalaman ang zōni ng mga gulay tulad ng gabi, karot, honeywort, at mga pulang at puting kamaboko.
- Ang kinako mochi ay tradisyonal na inihahanda tuwing Araw ng Bagong Taon bilang simbolo ng suwerte. Ang istilong ito ng paghahanda ng mochi ay kinabibilangan ng pag-ihaw nito sa apoy o kalan, pagkatapos ay isinasawsaw sa tubig, at sa wakas ay pinapahiran ng asukal at kinako (harinang utaw).[14]
Tagsibol
[baguhin | baguhin ang wikitext]Ang seresang namumulaklak (sakura) ay isang simbolo ng Hapon at sumasagisag sa pagsisimula ng ganap na tagsibol. Ang sakuramochi ay isang kulay-rosas na mochi na bumabalot sa matamis na minasang pulang abitsuwela at binalot sa nakakain at inasnang dahon ng sakura; karaniwang inihahanda ang putaheng ito tuwing tagsibol.[15]
Mga sanggunian
[baguhin | baguhin ang wikitext]- ↑ "Mochitsuki: A New Year's Tradition" [Mochitsuki: Isang Tradisyon ng Bagong Taon] (sa wikang Ingles). Japanese American National Museum. Disyembre 5, 2013. Inarkibo mula sa orihinal noong Setyembre 30, 2020.
- ↑ Isono, Yoshinobu; Emiko Okamura; Teruo Fujimoto (1990). "Linear Viscoelastic Properties and Tissue Structures of Mochi Cake" [Mga Linyar at Biskoelastikong Katangian at Estraktura ng Tisyu ng Kakaning Mochi]. Agric. Biol. Chem. (sa wikang Ingles). 54 (11): 2941–2947. doi:10.1271/bbb1961.54.2941.
- ↑ Bean, M.M; Esser, C.A.; Nishita, K.D. (1984). "Some Physiochemical and Food Application Characteristics of California Waxy Rice Varieties" [Ilang Katangiang Pisyokemikal at Aplikasyong Pampagkain ng Mga Barayti ng Bigas na Calrose]. Cereal Chemists (sa wikang Ingles). 61 (6): 475–479.
- ↑ The Oxford Companion to Sugar and Sweets [Ang Kompanyerong Oxford sa Asukal at Matatamis] (sa wikang Ingles). Oxford University Press. Abril 2015. ISBN 9780199313624.
- ↑ Mochi. Nihon-Bunka Iroha Jiten.
- ↑ Kotobank Mochi. The Asahi Shimbun.
- ↑ Otsuka, Hatushige (2003). Japanese archipelago in the Kofun period [Kapuluang Hapones noong panahong Kofun] (sa wikang Ingles). Aoki Shoten. ISBN 978-4250203305.
- ↑ History of mochi. Zenkoku Mochi Kogyo Kyodo Kumiai
- ↑ Inaga, Keiji (1996). 新訂総合国語便覧 (sa wikang Hapones). Daiichi Gakushusha. ISBN 978-4-8040-3301-3.
- ↑ Kotobank Mikayonomochii. The Asahi Shimbun.
- ↑ Itoh, Makiko (Disyembre 30, 2011). "Rice takes prized, symbolic yearend form" [Bigas na may mahalagang, simbolikong anyo ng pagtatapos ng taon]. The Japan Times Online (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong Abril 11, 2016. Nakuha noong Pebrero 16, 2016.
- ↑ Kagami mochi FAQ. Maeharaseifun Corporation.
- ↑ Caile, Christopher. "Kagami Biraki: Renewing the Spirit" [Kagami Biraki: Pagbabago ng Espiritu]. Fighting Arts (sa wikang Ingles). Nakuha noong Pebrero 27, 2016.[patay na link]
- ↑ Julia Y. Wada, Barbara Pogosian, Yumi Sato, Louis E. Grivetti (Agosto 31, 2010). "Japanese festival foods" [Mga Hapones na pagkaing pampista]. Ecology of Food and Nutrition (sa wikang Ingles). 38 (4): 307–350. doi:10.1080/03670244.1999.9991584 – sa pamamagitan ni/ng Taylor & Francis Online.
{{cite journal}}
: CS1 maint: multiple names: mga may-akda (link) - ↑ "Japanese confectionery" [Kumpites na Hapones]. Travel Around Japan (sa wikang Ingles). Nakuha noong Marso 10, 2016.