Pumunta sa nilalaman

Wika

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Mga mag-aaral na nakikipagtalasan sa pamamagitan ng paghaharap at pag-uusap.
Isang lalaki at babaeng nakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng mga hudyat ng kamay.
Ang cuneiform ang isa sa mga napakasinaunang anyo ng wikang pasulat.

Ang wika ay isang nakabalangkas na sistema ng pakikipag-ugnayan na binubuo ng balarila at talasalitaan. Ito ay sistema na binibigkas, pakumpas, o nakasulat na mga sagisag kung saan ang mga tao, bilang mga langkap ng isang panlipunang pangkat at mga kalahok sa kagawian nito, ay nagpapahayag ng kanilang sarili. Ang wika ng tao ay nailalarawan sa pamamagitan ng pagkakaiba-iba ng kagawian at kasaysayan nito, na may mga makabuluhang pagkakaiba-iba na namamalasan sa pagitan ng mga kagawian at sa buong panahon.[1]

Tinatayang nasa pagitan ng 6,000 hanggang 7,000 ang mga sinasalitang wika sa daigdig, tangan sa kung gaano katiyak ang pagbigay-kahulugan sa "wika", o kung paano ipinag-iiba ang mga wika at mga diyalekto. Ang maagham na pananaliksik ng wika ay tinatawag na lingguwistika. Nag-ugat ang salitang wika mula sa wikang Malay. Samantalang nanggaling naman sa Kastila ang isa pang katawagan sa wika: ang salitang lengguwahe. Tinatawag ding salita ang wika. Katulad ng language - tawag sa wika sa Ingles - nanggaling ang salitang lengguwahe sa salitang lingua ng Latin, na nangangahulugang "dila", sapagkat nagagamit ang dila sa paglikha ng maraming paglahok ng mga tunog, samakatuwid ang "wika" - sa malawak nitong kahulugan - ay anumang anyo ng pagpaparating ng damdamin o pagpabatid, may tunog man o wala, subalit kadalasang mayroon.

Mga anyo ng wika

Pinakapayak sa mga anyo ng wika ang paggamit ng mga salita o pagsasalita. (Tingnan ang mga sining na pangwika). Subalit kabilang din rito ang pagsusulat, mga wikang pasenyas, larangan ng musika, sining ng pagpipinta, pagsasayaw, at maging ang matematika. "Wika" ang lahat ng mga ito kung gagamitin ang malawakan na kahulugan ng wika. Sa ilang pagkakataon, tinatawag ding dila (piguratibo), salita, diyalekto, o lingo (sariling-wika ng isang grupo, [bigkas: ling-gow, mula sa Ingles]) ang wika.[2]

Mga antas

Kabilang ang mga sumusunod sa mga kaantasan ng wika:

  • Kolokyal/pambansa - payak na wika na ginagamit ng mga kabataan sa kanilang pang-araw-araw na pakikipag-usap na kadalasang malayang pinagsasama ang mga wikang Ingles at Filipino
  • Kolokyalismong karaniwan - ginagamit na salitang may "Taglish"
  • Kolokyalismong may dunong - ginagamit sa loob ng silid-aralan o paaralan
  • Lalawiganin/Panlalawigan - wikang ginagamit ng isang partikular na pook.
  • Pabalbal/balbal (salitang kalye) - pinakamababang uri ng wikang ginagamit ng tao, na nabuo sa nasa ng isang partikular na pangkat na nagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan. Ito rin ay maaring nabuo sa pagbaliktad ng mga salitang Kolokyal/pambansa.
  • Pampanitikan/panitikan - wikang sumusunod sa batas ng balarila at retorika.

Mga gamit

Ito ang pitong gamit ng wika:

  • Isang takbo ng pagpapalitan ng batid na kadalasan na ginagawa sa pamamagitan ng karaniwang sistema ng mga sagisag ang pagtatalastas. Ang araling pangkomunikasyon ang larangang pang-aralan kung saan sinasaliksik ang pakikipagtalastasan.
  • Ginagamit ang wika sa pagpapahayag ng pangungusap. Madaling maunawaan ang pangungusap kahit gaano pa kahaba o ano man ang anyo nito. Malinaw ito kaya madaling nauunawaan ng bumabasa o nakikinig ang kahulugan nito.
  • Pagpapaliwanag o pagpapaunawa ang tawag sa gawaing pangkaisipan upang matugunan ang pakikipag-ugnayang ginagamitan ng mga pananalita o mga hudyat o senyas ng kamay, maaring kasabayan ng taong nakikipag-ugnanayan, o matapos ang bawat bahagi ng paglalahad ng taong nakikipag-ugnayan. Nagaganap ang pagpapaunawa sa pagitan ng dalawa, tatlo, o higit pang bilang ng mga tagapaglahad na hindi nakapagsasalita o nakakahudyat gamit ang pinagmumulang wika.

Sari ng paggamit ng wika

Ang dalawang sari ng paggamit ng wika ay maanyo at di-maanyo.

Maanyo

Ang maanyo ay ang mga salitang napagkasunduan, karaniwan, o pamantayan dahil kinikilala, tinatanggap, at ginagamit ng higit na nakararami lalo na mga nakapag-aral ng wika. Ginagamit ito sa mga usapang maanyo. Narito ang mga uri nito:

  1. Pambansa o karaniwan - mga karaniwang salitang ginagamit sa mga aklat pangwika o pambalarila sa mga paaralan, gayundin sa pamahalaan.
  2. Pampanitikan - mga salitang ginagamit sa mga akdang pampanitikan, karaniwang matatayog, malalalim, makulay, at masining.

Di-maanyo

Ang di-maanyo ay mga salitang karaniwang palasak at madalas gamitin sa pang-araw-araw na pakikipagusap. Ginagamit ito sa mga hindi maanyo na usapan. Narito ang mga uri nito:

  1. Lalawiganin - mga talasalitaang pangdiyalekto. Gamitin ito sa mga partikular na pook o lalawigan lamang.
  2. Balbal - mga salitang nahango lamang sa pagbabago o pag-usod ng panahon, mga salitang nabuklat sa lansangan.
  3. Kolokyal - mga salitang ginagamit sa mga pagkakataong di-maanyo. Ang pagpapaikli ng isa, dalawa, o higit pang salita ay mauuri rin sa antas na ito.

Halimbawa:

  • mayroon=meron
  • ayaw ko= ayoko
  • nasaan=nasa'n

Mga sanggunian

  1. Maling banggit (Hindi tamang <ref> tag; walang binigay na teksto para sa refs na may pangalang Evans); $2
  2. English, Leo James (1977). "Wika, salita, diyalekto, lingo [Ingles]". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.